Sunday, January 27, 2013

Ikaw Mismo.

Sa isang bagay ka na nga lang magaling, sumablay pa.

Pano nga kung sa tanging bagay na alam mong gawin eh sumablay ka pa? Masasabi mo bang tsamba lang? Masasabi mo bang hindi mo lang talaga panahon? Na, minalas lang talaga? 


'When you're down, there's nowhere to go but up.' "Try and try until you succeed." 'May bukas pa. ' "Huwag kang susuko." 'Kaya mo yan!' Ilan lang yan sa mga sobrang daming word of encouragement na pwedeng ibigay ng ibang tao sa oras na sumablay ka sa isang bagay. Ilan lang yan sa mga salitang pwede nating gamitin para magsimula ulit o pwede rin naman nating isantabi nalang kasi 'di natin kailangan. Either way, mga salita yan na galing sa iba. Sa iba na hindi naman alam 'yung pinagdadaanan mo. Sa iba na 'di ka naman talaga sigurado kung sincere o nakikisawsaw lang. Sa iba na hindi na-experience first hand kung anong pinagdadaanan mo. Sa ibang tao.



Hindi ba't nakakapagtaka kung bakit may ilan na sa ibang tao inaasa 'yung pagbangon mula pagkakadapa? Hindi ba parang mali naman yata? Unang una, wala naman silang kinalaman sa pagkadapa o pagkahulog mo, bakit sa kanila mo inaasa ang pagtayo mo ulit? Baliw lang.



Bakit mo iaasa sa ibang tao na tulungan kang umalis sa kumunoy na kinahulugan mo kung sa una pa lang naman e sinabihan ka na nila na dalikado lumapit doon? Mag-isa ka nung naisipan mong lumapit sa kumunoy na 'yon. Mag-isa kang gumawa ng desisyon. Mag-isa kang gumawa ng katangahan. Bakit ngayon e aasa ka sa iba na tulungan ka?



Baka hindi mo naiisip na hindi naman nila alam kung anong pinagdadaanan mo? Naisip mo na ba kahit minsan kung nararamdaman din nila ang nararamdaman mo para umasa ka sa mga payo nila? Na-experience ba nila first hand kung anong naeexperience mo? Nakalubog din ba sila sa parehong kumunoy na kinalulubugan mo ngayon? Malamang hindi. So paano mo masasabi na tama yung tinutulong nila sa'yo? Paano mo masasabi na hinihila ka nga nila pataas at hindi dinudukdok pa pababa? Magkaiba ang punto de vistang ginagamit niyo. Magkaibang tingin, magkaibang reaksyon.



So bakit ka aasa sa iba kung kaya mo naman sa sarili mo? Bakit ka pa maghihintay ng rerescue sa'yo kung kaya mo naman iligtas ang sarili mo? Bakit ka aasa sa iba na hindi naman alam kung anong pinagdadaanan mo?


Dadating yung araw na mapapagod silang tulungan ka. Or, dadating yung panahon na mapapagod kang humingi ng tulong sa kanila. Either way, mawawalan ka dahil sa sobrang kakaasa. 


Ang kailangan mo, pag-asa sa sarili. Ang kailangan mo, tiwala sa sarili. Ang kailangan mo, gisingin yan sarili mo at sabihing, "Kaya ko 'to!" Dahil sa oras na iwan ka na nila, at least, masasabi mong kaya mo pa rin. Masasabi mong "Salamat sa pagiging parte ng istorya ko. Good luck sa sariling istorya mo." At hindi yung magmamakaawa ka na huwag ka nilang iwan, na hindi mo kaya mag-isa.



Ang problema parang pagkahulog sa kumunoy... Madalas, maraming tao sa paligid pero kahit anong sigaw mo, wala nakakarinig. Maraming nakapaligid sa'yo pero kaunti lang ang handang mag-abalang tumulong. 'Yung iba pa don, hindi naman talaga makakatulong. 'Yung iba, usisa lang. 'Yung iba, labag sa loob ang pagtulong. 'Yung sobrang kakaunti, mag-aabot ng sanga para makaalis ka. Piliin nang mabuti. Madalas maraming pwedeng kapitan, mahirap nga lang hanapin yung pinakamatibay na pwedeng gamitin. Unang una, kailangan kumalma, huwag masyadong maggagagalaw, kundi, lulubog ka lalo. Hanapin ang pinakamatibay na kapitan. Gamitin ang buong lakas para iangat at iligtas ang sarili.



Hindi mo kailangang magmadali para makabangon mula sa pagkakalubog. Minsan, pag nagmadali ka, lalo ka pang lulubog. Mag-isip muna. Kumbinsihin ang sarili na kumalma, na kaya mo yan, na eventually, magiging okay ang lahat. Kaya mong iangat ang sarili mo. Kayang kaya mo. Kung ang iba nga kaya mong tulungan, sarili mo pa kaya? Minsan talaga kulang lang sa tiwala. Sumuko na silang lahat sa'yo, huwag lang ikaw mismo sa sarili mo.

No comments:

Post a Comment